Sa simpleng pananaw ng isang overseas Filipino worker na nakausap ng ABS-CBN, ang nangyaring hostage crisis sa Maynila ay para lang ganito: Kung may bisitang pinatay sa bahay mo, hindi ba dapat lamang humingi ka ng paumanhin at asikasuhin mo nang husto ang mga naulila?
Tila sa ganitong pananaw din tinitingnan ng isang mambabatas sa Hong Kong ang nangyaring bulilyaso sa Pilipinas.
Para kay legislative council member Regina Ip, umasa silang kahit paano na maaasahan nila si Pangulong Aquino pero tila raw, sila'y nabigo.
“I think the Hong Kong people are really very unhappy with the way President Aquino III responded to questions and he appeared frivolous and dismissive of the losses to Hong Kong,” ani Mrs. Ip.
Dating Secretary for Security ng Hong Kong government si Mrs. Ip at dismayado siya sa napanood na kapalpakan umano ng mga pulis-Maynila noong Lunes.
“The requests are not that unreasonable. If it happened in Hong Kong, our negotiators would have resolved it much earlier, without resorting to violence,” dagdag pa ni Mrs. Ip.
Gaya ni Mrs. Ip, paulit-ulit na ring inihahayag ng mga senior officials sa Hong Kong na kailangang magkaroon ng masusi at patas na imbestigasyon sa nangyari.
Sakaling lumabas daw sa pagsisiyasat na may pagkukulang talaga ang ating gobyerno, isa lang ang hinihingi niya kay Pangulong Aquino.
“If the Philippine authorities did mishandle the situation, they owe as an apology... I think President Aquino III must give Hong Kong straightforward answers to our many questions...,” ani Mrs. Ip.
Bagay na siya ring sigaw ng kanyang mga kababayan.
Sa Facebook page ng lider nilang si Chief Executive Donald Tsang, dagsa ang mga banat kay P.Noy ng mga taga-Hong Kong na napopoot pa rin sa nangyari.
Ang pinanggagalaiti ng ilang mga nag-iwan ng mensahe sa Facebook page ni Tsang ay kung bakit tila raw pinalalabas pa raw ng ating gobyerno ngayon na nagsinungaling ang chief executive ng Hong Kong nang sinabi nitong sinubukan niyang tawagan si Pangulong Noynoy noong kainitan ng krisis, pero hindi ito sumagot. – Nadia Trinidad, Patrol ng Pilipino, Hong Kong